Sa isang araw, libu-libong bagay ang pumapasok sa isip ko. Merong mga sinasadya, merong bigla ko na lang maiisip, merong hindi ko namalayan e iniisip ko na pala, at meron yung mga pilit kong kinakalimutan pero pilt na nagpaparamdam. Sari-sari. Iba’t ibang kulay at hugis. At lahat ng ito ay sinasarili ko lamang. Sino naman kasi ang gustong makarinig ng problema ng iba kung may problema ka na? At sino naman ang mag-aaksaya ng oras para makinig sa mga bagay-bagay na umiikot sa utak ng isang ordinaryong babaeng walang ginawa kundi tumulala at mag-isip ng kung anu-ano? Kaya ayun, sinasarili ko na lamang lahat. Pero isang araw habang tinitignan ko ang pagbuka ng bibig ng aking guro, naisip ko na masyado nang maraming alaala ang kailangan kong ibasura.Kaya eto ako ngayon, isa-isang pinupulot ang mga nagkalat na alaala at mga bagay-bagay sa aking isipan at unti-unting ilalagay sa isang lugar na pwedeng mapakinabangan ng tao. Naniniwala ako sa kasabihang ang basura ng iba, kayamanan ng iba. Hindi ko alam kung anong kayamanan ang makukuha ng mga mambabasa (kung meron man) sa mga ipaglalagay ko dito. Isa lang ang sigurado ko: hindi ko na kayang mamuhay kasama ang mga alaalang ito kaya bibitawan ko na ang mga ito unti-unti. Kaya ngayon ay pormal kong binukbuksan ang aking tindahan—tindahan ng alaala.
Nawa’y ikaw na mambabasa ay may mapakinabangan sa aking munting tindahan.